Panipiazon. Isang baryo sa bayan ng Aklan na datapwa't malayo sa kabihasnan at kakulangan ng aksyon ng kinauukulan para sa ikauunlad nito ay hindi makikitaan ng pagkabahala sa mga taong matagal ng naninirahan doon. Ang kawalan ng kuryente, kakulangan sa patubig at mga lubak lubak at mabatong kalsada ay hindi balakid sa mga residente ng lugar upang magkaroon ng mga mumunting kasiyahan sa pamamagitan ng pyesta, simpleng handaan tuwing binyag at kaarawan, palarong pampalakasan o selebrasyon sa isang masaganang ani. Sa mga ordinaryong araw, at bilang pampalipas oras, makikita ang mga kabataan na nagkukumpulan sa harap ng pinakatanyag na maliit na tindahan sa lugar, kung hindi man naglalaro ang mga bata ng tatsing o holen sa hapon, sa pagsapit ng dilim, ang mga binata ay nagsisipagdatingan pagkagaling sa bukid upang tumungga ng tuba habang nakikipagkuwentuhan o minsan nama'y mangantiyaw o magpalipad hangin sa mga dalagang dumadaan. Ang buhay sa Panipiazon ay pawang simple lamang. Isang buhay na kadalasan ay sa libro na lang natin nababasa. Sa isang madaling salita, datapwat nasa taong 2008 na, ang mga residente ng Panipiazon ay parang ikinulob at inilayo sa progreso at teknolohiya na ang pinakaresulta, ang mga tao ay namulat at namumuhay na parang nasa dekada otsenta pa rin.Isang gabi, masaya at bahagyang kinakapos pa sa hiningang dumating si Tawe sa tanyag na tindahan ni Lola Adeng , dala ang balita sa dalawa niyang pinakamalapit na kaibigan na sa kasalukuyan ay nag-iinuman na muli niyang nakausap ang napupusuan niyang dalaga sa ilaya, isang masukal na bahagi ng baryo. May halong pagsusumamo niyang ibinahagi sa dalawa na nangangailangan siya ng tulong para ayusin ang bodega na pag-aari ng amain ng dalaga. Matagal na panahon na rin binabalik balikan ni Tawe ang dalaga sa ilaya para ito ay suyuin. Ang pag aayus ng bodega ang nakikita niyang pag asa para tuluyang mapaibig nito ang sinisinta. Subalit si Tawe ay hindi ganoon kalakasan para gawin ang lahat ng pagsasaayos. Kahit medyo malusog at balingkinitan ang katawan, alam niya na hindi matatapos ang may kalakihang bodega sa takdang panahon ng susunod na ani. Si Delio, isang ulila na binatang magsasaka at tagaalaga ng mga manok sa sabong at ang pinakamaliit sa tatlong magkakaibigan ay natawa ngunit may bahid ng paghanga sa pursigidong si Tawe ay bahagyang sumampay ng braso sa balikat ni Tawe at ibinahagi ang pagpapaunlak sa kaibigan na ikinatuwa naman ng una. Ngumisi lang sa narinig si Baldo, ang malapit na kaibigan ni Tawe na mangangalakal ng tuba, kopra at abaka sa Poblacion ng Madalag. Kinantyawan lang nito si Tawe na lolokohin lang ng una ang dalaga pagkatapos makuha ang gusto nito gaya ng nangyari sa dating kasintahan na si Bernates na kung saan naging masigasig na magkaribal ang dalawa. Tumawa lang si Tawe sabay sabi, "Aasahan ko kayo sa makalawa ng umaga ha. Pagnatapos natin 'to... libre ko ang inuman."
Dumating ang takdang araw at madilim dilim pa ay maririnig na kumakatok si Tawe at Delio sa bahay ni Baldo. Sa pagbukas ng pinto ay maaaninag ang bahid ng pagkaasiwa sa mukha ni Baldo, marahil sa biglaang pagkakagising sa mahimbing na pagkakatulog. "Oo eto na nga palabas na..." ang lumalangitngit na wika ni Baldo habang humahangos na isinusuot ang t-shirt at lumang jacket sabay hablot sa sanduko na nakasabit sa likuran ng pinto. Makikitang hirap na isinusukbit ni Baldo ang sanduko sa bilis ng lakad ng kanyang mga kasama habang ang kanilang mga anino ay nilalamon ng dilim.
Habang ingat na tinatahak ang peligroso, makipot at baku-bakong pilapil, "Mga pare, salamat talaga sa pagtulong niyo. Isang malaking utang na loob ko sa inyo ito pagnagkatuluyan kami. Mahal ko kasi siya," ang seryosong sambit ni Tawe na bumasag sa namumutawing katahimikan ng dalawang kaibigan. Tumango lang si Delio na nasa unahan ng dalawa. Si Baldo ay hindi umimik. Panandaliang sumagi sa isipan niya ang mukha ng isang babae sa Poblacion na matagal na niyang hindi nakikita. Isang buntung hininga ang sekretong pinawalan sa sapantahang kasabay nito ang pagkawala ng kanyang panlulumo. Ibinaling niya ang isipan sa maaring magandang kapalaran ng kaibigan. Sila ay desi-syete anyos na at sa lugar nila, ito ay sapat na gulang na para magkapamilya. Sa mulat sapul, sila ay magkakaibigan na at ang samahan nila ay kilala sa baryo bilang higit pa sa magkakapatid. Si Delio ay ulilang lubos at ang kapatid niya ay nagtatrabaho sa Manila. Si Tawe ay nag-iisang anak ng magsasaka. Si Baldo ay galing sa malaking pamilya pero dahil sa katigasan ng ulo ay hindi niya makasundo ang mga ito. Isinumpa siya ng hindi sinasadyang masaktan ang ina buhat ng isang mainit na pagtatalo. Naging palaboy siya pero natutong tumayo sa sariling mga paa. Napangiti siya sa ideyang may kanya kanya na silang pamilya at nagsasalo salo sa kaarawan ng kani-kanilang anak.
Mataas na ang sikat ng araw ng marating nila ang bahay ng dalaga. Isang dalawang palapag na kubo ang nasabing tirahan. Lakas loob na kumatok si Tawe sa kawayang pinto sabay sambit sa pangalan ng dalaga, "Mina... Mina... Tao po...Andito na kami." Sa may gawing likuran ng bahay dali daling lumabas ang dalaga bitbit pa ang mga bagong labang mga damit. "Oh Tawe! Haha! Ikaw ha... binibiro lang kita na ayusin mo ang lumang bodega namin... Huwag mong sabihing..." sorpresang ibinungad ng dalaga. "Oo naman! Malakas ka sa akin eh... Eto nga at dala namin ang mga kagamitan sa pag aayos," ang maliksing sagot ni Tawe sabay pakilala kay Mina sa dalawa niyang matalik na kaibigan.
Nakangiting inalis ni Delio ang sumbrero bilang pagbigay respeto sa dalaga nang ipakilala siya ni Tawe. Subalit nang ipinapakilala na si Baldo, ay parang tuod na napako sa kinatatayuan ang binata. Sa kabilang banda ang dalaga ay maaninag na napaisip wari'y pilit na inaalala kung bakit pamilyar ang mukha ni Baldo. "Mina pala ang pangalan niya...", sambit ni Baldo sa sarili na para bang nasagot ang isang matagal na nakatagong misteryo. Si Mina, siya ang palihim na hinahangaan ni Baldo na madalas niya dating nakikita sa Poblacion na namimili ng feeds sa manok. Ni mga matalik niyang mga kaibigan ay hindi alam ang bahagi ng buhay niyang ito.
Ang paghanga niya sa dalaga ay malalim. Isang paghangang kahit sa pagtulog at paggising ay nakabaon sa kanyang isipan. Mukha ng isang dalagang walang pangalan pero may angkin na mala anghel na kagandahan. Isang mukhang makikitaan ng tumatalikwas na mahabang pilik mata, malaporselanang balat, magandang hubog ng katawan at mamula mulang mga labi. At ang mga ngiti niya, nakakabaliw sa sobrang ganda. Ipinagtatanong niya ang pangalan ng dalaga sa mga taga roon subalit walang may alam. At sa mga sandaling ito ang lahat ng katanungan niya ay nasagot. Sino ang mag aakalang ang kabihasnan na ito ay may itinatagong ganito kagandang nilalang.
--- to be continued...
1 comment:
this is an attempt to rewrite a short story written during highscool. don't have time to finish it. anyways, the original was better. i don't have a copy of that now apparently.
Post a Comment