
Ang tahimik na paglalakbay sa kahabaan ng Quezon Avenue ay binasag ng isang anunsiyo mula sa isang mamang nakaupo sa pinakadulo ng pampasaherong jeepney. "Ako ay may nadiskubre!" ang sambulat ng mama na ikinagulat ng mga kasamahang pasahero. "Ang aking nadiskubre ay siguradong ikapapahiya ng mga maraming syintipiko."
Hindi alintana ang nagtatakang tinginan ng mga tao sa paligid niya, siya'y nagpatuloy, "ang mundo ay bilog at flat! Pagmasdan nyo ang larawang ito," sabay hugot sa plakang nakaipit sa bag at buong yabang na iwinagayway ang larawan ng isang baybayin malamang ay hango sa isang isla sa Pilipinas. "Hindi ba kayo nagtataka kung bakit hindi nyo nakikita ang dulo ng baybayin na ito? Datapwa't ganun ang sistema, patuloy pa rin ang pag ikot ng mundo. Ito ay dahil ang mundo ay bilog at flat!"
Pigil na ngiti ang namutawi sa mukha ng iilang nakarinig. Ang ilan nama'y nabahala sa pag-aalalang nahaluan sila ng pasaherong may dipirensya sa pag-iisip. Subalit ito'y hindi naging hadlang sa walang patumanggang paglalahad niya ng kanyang mga nadiskubrehan. Magmula sa pagiging bakla ng North Pole, ang pagiging kulay itim ng liwanag, ang nakapagtatakang malamig na klima sa 'Pinas, hanggang sa umabot sa pagiging sugapa ni Ernie Baron sa shabu at kung bakit ang mamang iyon ang dapat na ituring na walking encyclopedia.
"Isa kayong malaking tanga kung hindi nyo maintindihan ang mga simpleng eksplinasyon na ito!" Ang buong hambog na sambit ng mama, subalit ito'y hindi bilang pagtatapos kundi isa lamang pagbubukas sa kunwa'y malalim na kadahilanan ng kanyang mga nadiskubre. "Hangga't hindi nyo binubuksan ang inyong mga mata sa mga katotohanang ito, patuloy na lulubog ang ekonomiya sa kahirapan, hindi titigil ang korapsyon sa gobyerno, dadami pa ang magiging pokpok sa lipunan at mga kabataang babae na marerape ng mga adik!" Ang walang habas at matigas na sambit ng mama sabay wagayway ng kanyang plaka sa mga motoristang naghihintay sa muling pagdaloy ng trapik.
Ako'y nawala na nang muli niyang buksan ang topiko ng pagiging walking encyclopedia niya. Gayunpaman, naisip ko na paminsan minsan kailangan natin ng mga taong ganito. Mga taong ang layunin ay ibahagi ang katotohanan kahit medyo sablay sa sukatan ng agham at siyensya. Ang taong ito ay nag-isip sa nangyayari sa palibot nya na karamihan sa atin ay hindi na pinagtutuunan ng pansin marahil sa tanggap na natin na ito ay bahagi na ng ating buhay at wala na tayong magagawa pa para mabago ito. Oo, medyo may kamahalan ang presyo sa pag-abot sa katotohanan. Minsan ang kagustuhang maabot ito'y nakakawala sa sarili. Subalit sino nga ba ang mas hangal sa dalawa, ang pagiging bulaang propeta o ang patuloy na pagbulag-bulagan sa tunay na kaganapan sa ating kapaligiran?








